Nakatakdang maglabas ng isang memorandum ang Department of Labor and Employment (DOLE) na maghihikayat sa mga manggagawa na magpabakuna kontra COVID-19.
Sa Laging Handa public press brieifing, sinabi ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Secretary Joey Concepcion na importanteng mabakunahan ang mga nasa sektor ng paggawa upang magkaroon sila ng proteksyon at upang makamit ng pamahalaan ang target na 70% na herd immunity.
Kasunod nito, sinabi ni Concepcion na ang mga pribadong sektor katuwang ang pamahalaan ay maglulunsad ng “Let’s Go Bakuna” program.
Ayon kay Concepcion, pagsapit kasi ng Hunyo ay darating na ang bulto ng mga bakuna na in-order ng pribadong sektor sa pamamagitan ng tripartite agreement at dito aarangkada na ang pagbabakuna sa A4 o ang mga nasa workforce.
Layon ng programa na maitaas ang vaccine confidence at mabilis na vaccine implementation.
Paliwanag nito, kinakailangang maunahan natin ang virus bago ito makapag-mutate pa ay naiturok na ang mga bakuna bilang proteksyon.
Pagdating naman sa logistics, giit ni Concepcion na matagal na itong napaghandaan at ang pagdating na lamang ng mga bakuna ang tanging hinihintay.