Eksaktong alas-9 kaninang umaga nang tumunog ang sirena sa Office of Civil Defense (OCD) sa Kampo Aguinaldo na napiling ceremonial site na siyang hudyat nang pagsisimula ng First Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill.
Pinangunahan ang aktibidad ni National Disaster Risk Reduction & Management Counci (NDRRMC) Chairperson at Defense Secretary Gilbert Teodoro Jr., kasama ang mga opisyal ng iba pang ahensya ng pamahalaan tulad ng DILG, DSWD, MMDA, PHIVOLCS, AFP at DICT.
Ayon kay Secretary Teodoro, inatasan na nya ang OCD na gumawa ng mas level up na scenario sa mga susunod na earthquake drill.
Tulad ng pagsasagawa ng earthquake drill sa gabi at ang scenario sa totoong nag-collapsed na imprastraktura.
Ani Teodoro, mahalagang mapraktis ang publiko sa ‘duck, cover and hold’ at iba pang mga hakbang kapag tumama ang lindol.
Mahalaga ring masubukan ang kakayahan ng pamahalaan sa pagtugon sa lindol lalo na maraming challenges ang maaaring ma-encounter tulad ng pagkawala ng signal ng mga cellphones, sira-sirang mga kalsada, gumuhong mga gusali, sunog at iba pa.
Base sa pag-aaral ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) noong 2014 posibleng umabot sa 48,000 ang casualties sa Metro Manila kapag tumama ang pinangangambahang ‘The Big One’ o magnitude 7.2 na lindol dahil sa paggalaw ng West Valley Fault.