Manila, Philippines – Nagbanta si Leyte Rep. Vicente ‘Ching’ Veloso na magsasampa ng kaso sa mga nasa likod ng pagsama sa kanya sa listahan ng mga narco-politician na inanunsyo ni Pangulong Duterte.
Babala ni Veloso, kung hindi mapapatunayan ang akusasyon sa kanya ay maghahain siya ng asunto laban sa mga otoridad na nagsama sa kanya sa narco-list.
Kinuwestyon din niya ang naging basehan ng Pangulo kung bakit siya ay naitala sa narco-list.
Hinimok din niya si Pangulong Duterte na sibakin ang mga tauhan at mga opisyal na hinahayaang gamitin at sirain ang mga pangalan ng ilang mga pulitiko.
Muli namang itinanggi ni Veloso na sangkot siya sa iligal na droga at siya ay isang illegal drug protector.
Paliwanag dito ni Veloso, simpleng rehas na lamang ang nasabing listahan dahil nalinis naman na ng PDEA Leyte at ng self-confessed drug lord na si Kerwin Espinosa na hindi siya sangkot sa iligal na droga sa naunang narco-list kung saan kasama din ang kongresista.