Leyte Rep. Romualdez, umapela sa Pangulo na pananagutin ang nasa likod ng itinayong substandard na pabahay para sa Yolanda victims

Manila, Philippines – Umapela si Leyte Rep. Yedda Marie Romualdez kay Pangulong Rodrigo Duterte na papanagutin ang mga nasa likod ng itinayong substandard na pabahay para sa mga biktima ng Yolanda.

Ito ay matapos mabunyag sa pagdinig ng House Committee on Housing and Urban Development na gumamit ng substandard materials ang contractor sa housing projects sa Eastern Visayas na aabot sa 60 Billion pesos.

Giit ni Romualdez, ang pondo na inilaan dito ay pera ng taumbayan kaya dapat na may mapanagot at malaman kung papaano iginugol ang budget para dito.


Aniya, dapat masunog sa impyerno ang mga lumustay sa pondo para sa housing ng mga biktima ng Yolanda na ginawang negosyo at pinagkakitaan ang paghihirap ng iba.

Nahihiya naman si Romualdez dahil hindi nila alam kung papaano haharap sa mga local at international donors na nagpaabot noon ng tulong sa mga biktima ng bagyong Yolanda.

Pakiramdam pa ng kongresista ay muli silang naging biktima ng kalamidad.

Dalawang buwan mula ngayon ay gugunitain ang ika-apat na taon ng pananalasa ng bagyong Yolanda na gumulantang hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.

Facebook Comments