LGBTQ Member, Nabiktima rin ng ‘Honey Love’ Scam

Cauayan City, Isabela- Dumulog sa Police Regional Office 2 (PRO2) ang isa pang biktima ng ‘Honey Love’ scam matapos nitong mapanood sa facebook page ng PRO2 ang kinasangkutan ng suspek na nahuli kahapon sa Tuguegarao City, Cagayan.

Sa ulat ng PRO2, sa phone interview ay inilahad umano ng isang miyembro ng Lesbian Gay Bisexual Transgender (LGBT) na itinago sa pangalang ‘Peter’ kung paano ito nakumbinsi sa matatamis na salita ng umano’y Amerikanong empleyado ng Oman Embassy.

Nagkakilala umano ang dalawa sa pamamagitan ng ‘Dating App’ ng LGBT at kalauna’y nagkapalagayan ng loob kung saan dito na umano sinamantala ng suspek ang tiwala sa kanya ng biktima.


Aabot sa mahigit P100,000 ang nakuha ng suspek mula sa biktima na naipadala sa pamamagitan ng money transfer upang makuha umano ng biktima ang package na galing sa suspek.

Ayon kay Peter, lumantad ito hindi upang magreklamo kundi magbigay babala sa publiko para hindi na maging biktima ng mga manloloko nagkalat sa social media.

Facebook Comments