
Cauayan City, Isabela — Nilinaw ng Land Transportation Office (LTO) Region 2 ang kumakalat na lumang larawan ng signage mula sa LTO San Isidro District Office kung saan makikitang kabilang ang “LGBTQ” sa mga binibigyang prayoridad sa pila.
Ayon sa LTO, ang larawan ay kuha pa noong 2023 at dati nang naaksyunan. Ang kasalukuyang kumakalat na post ay may kalakip pa umanong paalala na ito ay mula sa nakaraang taon.
Upang mapawi ang anumang maling impormasyon, naglabas ng mga bagong larawan ang LTO Region 2 na nagpapakita ng kasalukuyang itsura ng tanggapan sa San Isidro.
Binigyang-diin ng ahensya na ang lumang signage ay hindi layuning magbigay ng espesyal na pribilehiyo kundi bahagi ng kanilang adbokasiya para sa pagkakapantay-pantay at paggalang sa lahat ng sektor, kabilang ang LGBTQ+.
Sa kanilang pahayag, muling tiniyak ng LTO Region 2 ang kanilang paninindigan para sa transparency, inclusivity, at tapat na serbisyo publiko.









