Ayon kay Gov. Bulut Jr., kinokondena nito ang mga pananamantala at gawain ng mga komunistang teroristang grupo sa mga mamamayan at siya ay nangako na agresibong makikipagtulungan sa pamahalaan, kasundaluhan at iba pang kinauukulang ahensya upang sugpuin at alisin ang mga nalalabing terorista sa Lalawigan.
Batid umano ng Gobernador ang layunin at gawain ng mga rebeldeng pangkat na kalabanin ang gobyerno at sirain ang buhay ng taong bayan para lamang sa kanilang pansariling interes.
Samantala, binigyang pagpupugay ng Gobernador ang pagbubuwis buhay at katapangan ng dalawang sundalo na sina 2Lt Nasser Dimalanes at PFC Jaime S Fontanilla ng 98th Infantry Battalion na namatay sa pakikipaglaban kontra sa mga teroristang grupo para sa kaligtasan ng mga mamamayan sa Apayao.
Ipinaabot nito sa pamamagitan ng pag-post sa official FB Page ang kanyang pakikiramay sa naulilang pamilya nina 2LT Dimalanes at PFC Fontanilla ganun din sa naiwang pamilya ni Pvt Kobee Amiling Wackisan ng 52nd Division Reconnaissance Company, Philippine Army na namatay rin sa sagupaan sa Barangay Katablangan, Conner, Apayao nito lamang ika-30 ng Hunyo taong kasalukuyan.
Dagdag pa rito, mag-aalok naman ng gantimpala ang pamahalaang panlalawigan ng Apayao sa mga indibidwal na makakapagbigay ng impormasyon kaugnay sa presensya o operasyon ng teroristang grupo para sa kanilang neutralisasyon.
Mananatili namang confidential ang pagkakakilanlan ng mga magbibigay ng impormasyon sa hiling ng Gobernador.