Iginiit ni Committee on Health Chairman Senator Christopher Bong Go ang kahalagahan na magkaroon ng koordinasyon ang mga Local Government Unit (LGU) at Department of Information and Communications Technology (DICT) at iba pang kinauukulang ahensya.
Ayon kay Go, ito ay para mapabilis ang pagbuo ng COVID-19 vaccination database at makapag-isyu ng sertipikasyon sa mga nabakunahan na kontra COVID-19.
Hiling ni Go sa mga LGU, bilisan ang kanilang proseso ng pag-submit ng kanilang vaccination data sa Vaccine Administration System na bahagi ng VacCertPh Vaccine Information Management System.
Ayon kay Go, layunin nito na pabilisin at gawing sentralisado ang lahat ng datos ng mga nabakunahan sa bansa alinsunod sa polisiya ng World Health Organization (WHO).
Ang mungkahi ni Go ay pangunahing tugon sa hindi pagkilala ng ibang bansa, tulad ng Hong Kong, sa vaccination cards ng mga Pilipino.