LGU Baggao, Nagpatupad ng 14-days MECQ sa piling Barangay

Cauayan City, Isabela- Ikinagulat ng lokal na pamahalaan ng Baggao sa Cagayan ang biglaang pagtaas ng naitalang nagpositibo sa COVID-19 na pumalo ng 45 sa kabuuan.

Batay sa inilabas na abiso ng LGU Baggao, agad na nagpatupad ng 14-araw na Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa partikular na barangay na may mga naitalang mataas na kaso gayundin ang zonal containment na ipatutupad bilang paunang hakbang upang mapigilan ang paglobo ng mga tinatamaan ng virus.

Kabilang naman sa mga ipagbabawal ay gaya ng non-essentials public and private construction projects; pagbubukas ng mga salon at barbershops, mga establisyimentong nag-aalok ng personal care, gym fitness, testing and tutorial centers, internet cafes, tourism destinations at mga okasyon.


Habang suspendido naman ang transportasyon ng mga pampublikong sasakyan maliban sa paggamit ng pribado habang papayagan naman ang ilang outdoor activities gaya ng lahat ng uri ng pag-eehersisyo, religious gathering na hindi hihigit ng 5 tao at iba pa.

Pinapayagan naman ang mga kabilang sa Authorized Persons Outside Residence (APOR) na lumabas na may permiso sa kanilang pagtatrabaho.

Samantala, isinailalim naman sa zonal containment strategy ang zone 5,6 at 7 ng Barangay Dasalla maging ang Purok Calamansi at Papaya ng Barangay Remus habang buong Barangay ng Tallang ay nakapasailalim sa MECQ simula bukas hanggang Enero 26.

Paalala naman ng LGU na ugaliin ang pagsunod sa health protocol para maiwasan ang hawaan sa COVID-19.

Facebook Comments