LGU-Cauayan, Sinimulan nang Mamigay ng School Supplies para sa mga Mag-aaral!

Cauayan City, Isabela- Sinimulan na kahapon ang taunang pamamahagi ng mga school supplies ang LGU-Cauayan para sa lahat ng mga mag-aaral dito sa lungsod ng Cauayan.

Ito ang iniulat ni Councilor Garry Galutera, ang Chairman ng Committee on Tourism and Committee on Education ng Cauayan City sa naging talakayan ng RMN Cauayan kaninang umaga.

Aniya, limang taon na umano nilang isinasagawa ang proyektong ito sa pangunguna ni City Mayor Bernard Dy kung saan mabibigyan lahat ng mga estudyante na naka-enrol sa lahat ng paaralan na nasasakupan ng lungsod ng Cauayan.


Ayon pa kay Councilor Galutera na noong Brigada Eskwela pa dapat sila namigay subalit naudlot dahil sa kakulangan ng supply ng mga bag at school supplies.

Layunin umano ng kanilang proyekto na matulungan ang mga magulang na nagpapaaral sa kanilang mga anak kaya’t wala umanong dahilan upang hindi mag-aral ng mabuti ang mga estudyante.

Nagpapasalamat naman si Councilor Galutera lalo na sa mga stakeholders na tumulong upang maisakatuparan ng maayos ang kanilang pamimigay ng libreng bag at school supplies sa mga mag-aaral ng Lungsod ng Cauayan.

Facebook Comments