Sang-ayon si Senator Panfilo “Ping” Lacson na totoong frontliners din ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan dahil sila ang tumutugon sa pandemya at namamahala sa pagbabakuna para sa kanilang nasasakupan.
Gayunpaman, binigyang-diin ni Lacson, na base sa patakaran ng World Health Organization o WHO ay hindi kasama ang mga Local Government Units (LGUs) officials sa listahan ng prayoridad na mabigyan ng COVID-19 vaccine katulad ng mga health workers.
Paliwanag ni Lacson, malaki ang mawawala sa atin kung susuwayin ng LGU officials ang guidelines ng WHO.
Ayon kay Lacson, mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagsabi na dahil dito ay maaring hindi na ibigay sa atin ang natitirang 44-million doses na donasyong COVID-19 vaccine mula sa COVAX Facility.
Dahil dito ay umaasa si Lacson na magiging responsable ang mga opisyal ng LGU para gawin kung ano ang nararapat.