Cauayan City, Isabela- Nakapagbigay na ng ayuda ang pamahalaang lokal ng Ramon sa mga pamilya na nakatira sa Purok 5 sa Barangay Bugallon ng naturang bayan.
Ito ang ibinahaging impormasyon ni Atty. Ferdimar Garcia, municipal administrator sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya.
Aniya, nasa 70 pamilya ang nabigyan ng foodpacks sa naturang lugar kung saan nakatira ang isang 48 taong gulang na lalaki na nagpositibo sa sakit na COVID-19 na mayroong kasaysayan ng paglalakbay sa Santiago City at Bayombong, Nueva Vizcaya.
Kasunod na rin ito sa pagsasailalim ni Mayor Jesus Laddaran ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa naturang purok bilang hakbang para mapigilan ang paglaganap pa ng naturang sakit.
Ayon pa kay Atty. Garcia, wala pang impormasyon kung kailan tatanggalin ang pansamantalang ‘lockdown’ dahil titignan pa aniya ang sitwasyon kung maaari nang luwagan ang naturang lugar.
Sinabi rin nito na nakapagsagawa na ng contact tracing ang pamahalaang lokal katuwang ang iba’t-ibang ahensya at mayroon nang mga natukoy na nakasalamuha nito na isinailalim na rin sa rapid test.
Nanawagan naman ito sa mga residente sa lugar na huwag mangamba dahil malayo aniya ang bahay nito sa mga kabahayan at sumunod lamang sa mga ipinatutupad na protocol upang makaiwas sa nakamamatay na sakit.