LGU San Manuel, Nagpatupad ng “NO VACCINE, NO ENTRY” Policy

Cauayan City, Isabela- Hindi pinapayagan ng LGU San Manuel ang pagpasok sa ilang pangunahing lugar kapag hindi bakunado ang isang indibidwal kontra COVID-19.

Alinsunod ito sa Executive Order no. 33 na may lagda ni Mayor Manuel Faustino “King” Dy.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Mayor Dy, paraan ito upang hikayatin ang publiko na magpabakuna dahil marami sa mga ito ang ayaw umanong magpabakuna.


Pag-aakala umano ng iba na hakbang ito upang gipitin ang publiko pero iginiit ng alkalde na walang sapilitang pagbabakuna at ito’y mananatiling boluntaryo.

Kaugnay nito, pinagbabawalang makapasok sa loob ng palengke ang mga mamimiling hindi bakunado gayundin ang mga negosyante ay hindi papayagang makapagnegosyo at kailangang magpakita ng vaccination card.
Kailangan rin na bakunado ang mga may- ari ng grocery stores at mga kahalintulad na establisyimento.

Samantala, dapat nabakunahan rin ang driver at pasahero ng mga pampasadang tricycle kung kaya’t mahigpit na pinababantayan ng LGU sa Tricycle Operators and Drivers Association ang pagpapatupad nito.

Para naman sa mga residente ng bawat barangay, hindi maaaring bigyan ng barangay certification/clearance ang mga ito kung hindi rin bakunado maliban na lang sa ilang ikinokonsidera na sitwasyon.

Maging ang mga magtutungo naman sa simbahan ay kailangan magpakita ng vaccination card para masigurong fully vaccinated na ang mga ito laban sa COVID-19.

Muli namang hinimok ng opisyal ang kanyang mga kababayan na magpabakuna na at tiniyak na ligtas itong iturok sa tao.

Facebook Comments