LGU SAN MATEO, WAGI SA PAROL MAKING CONTEST

Naiuwi ng LGU San Mateo ang tumataginting na P50,000 cash price matapos tanghalin na champion ang kanilang entry sa parol making contest ng Pamahalaang panlalawigan ng Isabela.

Ang kanilang parol entry ay gawa sa mga home-grown agricultural products ng Isabela gaya ng mais, munggo na sumisimbolo sa ingenuity at resiliency ng mga Isabeleños kasama ang Bambanti.

Nasa kabuuang 23 parol entries ang idinisplay at pinailawan sa Queen Isabela Park kung saan dalawa ang disqualified matapos hindi masunod ang minimum requirement ng Department of the Interior and Local Government kung saan inanunsyo ang mga nanalo kasabay ng flag raising ceremony nitong Lunes Nobyembre 14, 2022 sa Provincial Capitol, Alibagu, City of Ilagan.

Nasungkit naman ni Ginoong Eric Reyes ng Echague, Isabela (Individual) ang unang pwesto na may premyong P30,000 habang 2nd runner up naman ang entry ng LGU City of Ilagan na nanalo ng P20,000.

Ang top 3 winners sa naturang patimpalak ay ang magiging official na entry naman ng Isabela sa nationwide parol-making contest sa Malacañang Palace, Manila na naglalayong itampok ang kultura at pagiging malikhain ng mga Pinoy.

Tinawag na “Isang Bituin, Isang Mithiin: A Nationwide Parol-Making Competition,” ang magwawagi sa contest ay mag-uuwi ng PHP100,000 premyo.

Ang second place winner ay tatanggap ng PHP75,000, at PHP50,000 naman sa third place winner.

Lahat ng magwawagi ay tatanggap din ng laptop, at itatampok sa Radio Television Malacañang.

Ihahayag ang mga nagwagi sa December 3, 2022 kasabay ng Christmas Tree Lighting Event sa Malacañang Palace kung saan ang magwawaging parol ay itatampok sa gagawing pag-iilaw.

Facebook Comments