Cauayan City, Isabela- Hiniling ng Lokal na Pamahalaan ng Santiago sa Inter-Agency Task Force (IATF) na manatili sa pagiging General Community Quarantine ang lungsod matapos isailalim ang Isabela sa Modified General Community Quarantine simula Hulyo 1-15.
Batay sa facebook live post, inihayag ni City Mayor Joseph Tan na kinakailangan na maikonsidera ang ilang sitwasyon sa lungsod lalo pa’t halos nadadagdagan ang mga nagpopositibo sa virus.
Ayon sa alkalde, ilang residente na rin ang kusang humihiling na manatili sa pagiging GCQ ang siyudad kasabay ng pagkakaroon ng travel, working at barangay kaligtasan pass at pagpapanatili sa mga nakalatag na checkpoint.
Ipapatupad pa rin ang curfew hours na ngayon ay 9:00 ng gabi hanggang 5:00 ng umaga kinabukasan habang mananatiling bukas ang mga establisyimento na nasa ilalim ng GCQ.
Hinikayat din ng opisyal ang publiko na mangyaring ipagbigay-alam sa kinauukulan kung may nakapasok sa lungsod ng hindi dumaan sa tamang proseso.