LGUs, inalerto ng DOH kasunod ng pagpayag ng IATF na palabasin na rin ang mga bata na may edad 10-14

Inalerto ng Department of Health (DOH) ang Local Government Units (LGUs) kasunod ng desisyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) na payagan na ring lumabas ang mga batang may edad 10 hanggang 14 epektibo sa February 1, 2021.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, mahalagang matiyak ng LGUs na maipapatupad ng maayos ang minimum health protocols sa kani-kanilang nasasakupan.

Aniya, ang desisyon ng IATF ay bahagi rin ng mga hakbangin ng pamahalaan na mai-ahon ang ekonomiya ng bansa.


Kinumpirma naman ni Vergeire na dalawa na lamang sa 159 na pasahero ng Emerates flight na sinakyan ng Pinoy mula Dubai na nagkaroon ng UK variant ng COVID-19 ang kanilang hinahanap.

Ito ay matapos na matunton na rin ng mga otoridad sa Region 7 ang isa pang pasahero.

Ang dalawa aniya ay maling contact details ang isinulat sa contact tracing form.

Samantala, kinumpirma ni Department of Science and Technology (DOST) Undersecretary Rowena Guevarra na nag-apply na para sa Emergency Use Authorization (EUA) ang Bharat Biotech ng India.

Gayunman, hindi pa aniya kumpleto ang requirements nito partikular ang resulta ng Phase 3 ng kanilang clinic trial.

Kinumpirma naman ni Undersecretary Guevarra na aprubado na ng Pilipinas ang pagsasagawa ng clinical trial sa bansa ng Janssen, Clover at Sinovac.

Facebook Comments