LGUs, inatasan ng DILG na isumite ang mga pangalan ng mga pamilyang hindi pa nabibigyan ng SAP cash assistance

Ipinahahanap ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga lokal na pamahalaan ang nasa limang milyong pamilya na naiwanan sa pamamahagi ng cash assistance sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP).

Binigyan ni DILG Secretary Eduardo Año ng tatlong araw ang Local Government Units (LGUs) na isumite ang inisyal na listahan para ma-validate.

Ang mga “left-out” o “wait-listed households” ay ang mga low-income family na hindi kabilang sa alinmang Conditional Cash Transfer (CCT) pero hindi napasama sa target na 18 million households na mabebenepisyuhan ng first tranche ng SAP financial assistance.


Pinayuhan ng DILG Chief ang mga pamilyang pasok sa SAP pero nilalaktawan ng barangay na maghain ng reklamo sa Municipal Social Welfare and Development Office o magsumbong sa kanilang mga alkalde.

Kung wala pa rin aniyang aksyon ay dumiretso na sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Muling binalaan ng kalihim ang mga barangay official na hindi nila sasantuhin kung may anomalya ang pamimigay ng second tranche ng SAP.

Nauna nang kinasuhan Graft and Corrupt Practices ang 23 barangay officials dahil sa anomalya sa distribusyon ng SAP assistance.

Facebook Comments