Nilinaw ni Committee on Health Chairman Senator Christopher “Bong” Go na may karapatan ang mga Local Government Units o LGUs na bumili ng kanilang sariling bakuna kontra COVID-19.
Gayunman, sinabi ni Go na dahil sa problema sa suplay ay kailangang iprayoridad muna ang supply para sa national government.
Paliwanag ni Go, ito ay sa dahilang ang national government din kasi ang magbibigay ng indemnification sakaling magkaroon ng mga adverse effect sa mga matuturukan.
Kinumpirma rin ni Go na marami pang pending sa mga orders na COVID-19 vaccine ng pamahalaan dahil sa problema sa supply.
Samantala, nanawagan naman si Go sa mga LGUs na madaliin ang pagbabakuna at agad na gamitin ang mga ipinapadalang bakuna ng national government.
Giit pa ni Go, kung kinakailangan ay maaaring magbahay-bahay ang mga LGU at puntahan ang mga residente para mahimok na magpabakuna.