LGUs, mayroong full discretion para tukuyin ang mga ayuda beneficiaries – DSWD

Binigyan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang Local Government Units (LGUs) ng ‘full discretion’ para tukuyin ang mga low-income individuals na makakatanggap ng one-time financial assistance ng gobyerno sa NCR plus.

Batay sa Joint Memorandum Circular na nilagdaan ng DSWD, Department of the Interior and Local Government (DILG), at Department of National Defense (DND), ang mga LGU ang magpapasya kung sino ang mga makakatanggap ng ayuda.

Ayon kay DSWD Spokesperson Irene Dumlao, ang listahang kanilang ibinigay sa LGUs ay ‘reference’ lamang para alamin ang mga taong dapat mabigyan ng ayuda.


“Ito pong listahan na ito basehan po ng Local Government Units sa pagtukoy ng mga indibidwal na mapapasama dito sa emergency assistance. While we have provided the list, discretion pa rin po ng lokal na pamahalaan ang pagtukoy at pag-validate ng mga mapapasama, kumbaga sila pa rin po ang magpapa-finalize nung listahan na makakatanggap ng ayuda,” sabi ni Dumlao sa interview ng DZBB.

Sa interview ng RMN Manila kamakailan, sinabi naman ni DSWD Undersecretary Rene Glen Paje, ang listahan ay dumaan sa “masusing proseso” bago ito ibinigay sa LGUs.

“Ang listahan na ‘yan ay nagsisilbing reference lang po, ‘yan po ay hindi eksakto, sapagkat alam natin na ang lokal na pamahalaan na sila ang nakakakilala at sila ang nakakaalam sa mga sitwasyon, sa kalagayan ng kanilang nasasakupan, sa kondisyon sa lugar at maging sa condition ng tao na nasa ilalim ng kanilang poder,” ani Paje sa interview ng DZXL RMN Manila.

Noong March 31, ang DSWD ay nagbigay ng listahan ng mga benepisyaryo ng Social Amelioration Program (SAP) sa mga LGU bilang bahagi ng technical assistance para masigurong mabilis na maipapaabot ang ayuda sa 22.9 million recipients sa NCR plus bubble.

Facebook Comments