Tiniyak ng Office of Civil Defense (OCD) na nakahanda ang Local Government Units na malapit sa Mayon Volcano saka-sakaling kailanganing ilikas ang mga residente dahil sa pag-alburoto ng bulkan.
Ayon kay OCD Information Officer Diego Mariano, maliban sa pre-emptive evacuation ay nakahanda na maging ang family food packs na ipapamahagi sa mga residente.
Matatandaang itinaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) nitong Lunes ang alert level status ng Mayon Volcano Alert Level 2.
Nangangahulugan ito ng kasalukuyang unrest sa bulkan dahil sa shallow magmatic processes na maaaring magresulta sa phreatic eruptions o hazardous magmatic eruptions.
Samantala, maliban sa Mayon Volcano, naitala rin ang pag-aalburoto ng Bulkang Taal at Kanlaon na kapwa nasa Alert Level 1.
Ani Mariano, kahit walang naitatalang major movements sa tatlong aktibong bulkan ay patuloy na nakaalerto ang OCD sapagkat mandato nilang maglatag ng mga plano at hakbang para maiwasan ang mga pinsala at pagkasawi ng buhay.