Liberal Party, dumistansya sa pagpapa-impeach kina Pangulong Rodrigo Duterte at Vice President Leni Robredo

Manila, Philippines – Dumistansya ang mga kongresista mula sa Liberal Party sa anumang impeachment complaint laban kina Pangulong Rodrigo Duterte at Vice President Leni Robredo.

Ayon kay Deputy Speaker Romero Federico “Miro” Quimbo,ito ang napagkasunduan sa kanilang pagpupulong kasama ang 15 nilang kongresista.

Giit pa ni Quimbo, magiging sagabal lang ang impeachment complaints sa iba pang usapin na mas dapat pagtuunan ng pansin ng Kamara.


Isa pa aniya, lalo lang mahahati ang kamara kapag may pinanigan sila.

Matatandaang noong Marso, inihain ni Magdalo Rep. Gary Alejano ang impeachment complaint sa Kamara laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Nauna na ring pinahayag ni House Speaker Pantaleon Alvarez na pinag-aaralan niya ang paghahain ng impeachment complaint laban kay Robredo.

Facebook Comments