Manila, Philippines – Pinalagan ng Liberal Party o LP ang mga fake news na kumakalat laban sa kanilang mga miyembro.
Ito ang mensahe ng LP press statement na ipinost ni LP President Senator Francis Kiko Pangilinan sa kanyang Facebook account.
Pangunahing tinukoy ng LP ang magka holding hands na dinoktor na larawan nina Senator Pangilinan at Risa Hontiveros matapos nilang bisitahin sa PNP custodial center si Senator Leila De Lima.
Maliban pa ito sa kumakalat na balita sa social media patungkol sa reveiw ng Commission on Audit sa Priority Development Assistance Fund o PDAF ni Sen. Pangilinan.
Ayon sa statement ng LP, kapansin pansin na ang nasabing mga fake news ay lumabas matapos tutulan ni Sen. Pangilinan ang plano na gawing state witness ang tinaguriang pork barrel scam queen na si Janet Lim Napoles.
Tinukoy din ang fake news kung saan inaakusahan ng Dept. of Interior and Local Govt. ang LP ng pagkakalat ng maling impormasyon sa United Nations ukol sa war on drugs ng Duterte administration.
Ayon sa LP, malinaw ang pattern ng pagkakalat ng social media trolls ng mga hindi totoong detalye na pinapapalabas nilang legitimate news.
Apela ng LP sa lahat, maging matalino sa pagtanggap ng impormasyon at sikaping tukuyin ang tunay na balita sa mga impormasyong gawa gawa lamang.
DZXL558, Grace Mariano