Saturday, March 21, 2026

Libo-libong mga muslim, nagtipon-tipon sa Blue Mosque sa Taguig para sa pagtatapos ng Ramadan ngayong araw

Nagtipon-tipon ang mga muslim leaders at community members sa Blue Mosque sa Brgy. Maharlika sa Taguig City ngayong Eid’l Fitr o opisyal na araw na pagtatapos ng Ramadan ngayong araw.

Inumpisahan ito ng morning prayer kani-kanila lamang at sabay-sabay silang yumuko at nanalangin kay Allah.

Ayon kay Faizal Jalilul Absari, administrator Blue Mosque and Cultural Center nasa 10,000 o higit pa na mga kapatid nating muslim ang inaasahang magtutungo dito sa Blue Mosque.

Dakong alas-6:45 ay nagsimula ang pagsamba na hudyat ng pagtatapos ng Ramadan.

Nagyakapan, nagbatian at nagpatawad ang bawat isa, senyales na rin ito ng pagtatapos ng kanilang pag-aayuno kaya puwede na silang kumain.

Sa ngayon ay puno na ang Blue Mosque at ang paligid nito, kung kaya naman isinara muna pansamantala ang Mindanao Avenue sa kanto ng Jolo Street o ‘yung harap ng Blue Mosque upang bigyan daan ang special prayer.

Samantala, susundan naman ito ng iba’t ibang aktibidad mamaya na may kaugnayan pa rin sa pagtatapos ng Ramadan.

Facebook Comments