Tuloy-tuloy ang ginagawang proseso ng gobyerno para sa tinatawag na normalization track sa BARMM.
Sa katunayan, sinabi ni Office of the Presidential Adviser on the Peace Process Spokesman, Wilben Mayor, magkakaroon ng decommissioning ang MILF fighters sa unang linggo ng Setyembre sa Sultan Kudarat.
Ayon kay Mayor, personal na sasaksihan ito ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa ilalim ng decommissioning process, itu-turnover ng mga miyembro ng MILF ang kanilang mga armas sa gobyerno.
Bahagi ito ng 30% katumbas ng 12 libong combatants na magtu-turnover ng kanilang mga armas sa pamahalaan para sa taong ito.
Ang panibagong 35% ng MILF forces ay sasailalim din sa katulad na decommissioning process sa susunod na taon at ang matitira ang kukumpleto sa proseso sa 2022 kasabay ng exit agreement sa pagitan ng gobyerno at MILF.
Ayon kay Mayor, nangangahulugan ito na hindi na ituturing na combatants ang MILF fighters kundi mga produktibong mamamayan ng BARMM.
Kalakip ng decommissioning ay ang pagkakaloob sa kanila ng socio-economic package para makapamuhay nang normal.