Libo-libong pasahero, stranded sa Southern Tagalog at Bicol Region

Nakapagtala ang Philippine Coast Guard (PCG) ng kabuuang 1,384 na pasahero, driver at mga cargo helpers na napigil o stranded sa iba’t ibang pantalan sa bansa na apektado ng Bagyong Karding.

Stranded din ang 39 na rolling cargo, 14 na vessels at 15 motorbanca habang nasa shelter ng Southern Tagalog at Bicol Region ang 89 na vessel at 36 na motorbanca.

Sa bilang na ito, 781 na pasahero, drivers, at helpers, kasama ang 9 motorbancas ang stranded habang nagkukubli ang 65 vessels at 36 na motorbancas sa Southern Tagalog.


Sa Bicol Region partikular sa Virac Port, stranded ang 459 na pasahero, mga driver at helper, gayundin ang 15 rolling cargo, 11 vessels at anim na motorbanca habang dalawang vessel ang humimpil sa naturang pantalan.

Batay sa Maritime Safety Advisory ng PCG mula alas-12:00 ng hatinggabi hanggang alas-4:00 ng madaling-araw kanina, nakararanas pa rin ng moderate hanggang sa maalong karagatan sa Southern Tagalog at Bicol Region.

Facebook Comments