Cauayan City, Isabela- Tinanggap na ng limang (5) dating kasapi ng New People’s Army (NPA) ang kanilang bagong bahay na ipinagkaloob ng National Housing Authority (NHA) sa pamamagitan ng “Signing of Agreement” na isinagawa sa Bangag, Lal-lo, Cagayan.
Ang libreng pabahay para sa 5 Former Rebels (FRs) ay sa tulong na rin ng 17th Infantry Battalion at 501st Infantry Brigade ng 5ID, Philippine Army.
Ipinagkaloob ng NHA ang ₱450,000.00 na housing grant para sa mga dating rebelde upang makapagpatayo ng kani-kanilang tahanan na mayroong dalawang kwarto, sala, kusina, hapag-kainan at palikuran sa loob lamang ng anim na buwan.
Malaki naman ang pasasalamat ng mga natulungang dating rebelde na benepisyaryo ng nasabing programa at kauna-unahan lamang sa buong Lambak ng Cagayan.
Sinabi naman ni Ginoong Roderick Ibañez, Regional Manager ng NHA Region 02, hangad ng kanilang tanggapan ang makapaghatid ng tulong para sa mga nagbabalik-loob sa gobyerno.
Sa naging mensahe naman ni Col Steve D Crespillo, Commander ng 501st Infantry Brigade, sinabi niya na ginagawa ng administrasyon ang makakaya nito upang matulungan ang mga dating NPA para sa kanilang pagbabagong buhay.
Pinuri naman ni Major Gen. Laurence E Mina, Commander ng 5th Infantry Division ang pagsisikap ng bawat pwersa ng pamahalaan upang maipamahagi sa mga dating rebelde ang mga tulong na ipinangako ng gobyerno para sa kanila sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP).