
Cauayan City – Isinusulong ni Senator Kiko Pangilinan ang isang programang tutok sa food security sa pamamagitan ng libreng almusal para sa mga estudyante mula daycare hanggang grade 12.
Sa kanyang pagbisita sa Isabela kamakailan, sinabi ni Senator Kiko Pangilinan na mahalaga ang nutrisyon ng mga bata upang mas maging maayos ang kanilang pag-aaral.
Batay sa datos, malaki ang epekto ng school meals program sa pagtaas ng attendance at academic performance ng mga estudyante.
Layunin ng programa na masigurong hindi hadlang ang gutom sa pag-aaral ng mga kabataan dahil kapag may sapat na pagkain, mas mataas ang tsansang manatili sa paaralan ang mga mag-aaral at mas tumaas ang kanilang scores.
Ang libreng almusal ay isa ring tulong sa mga magulang upang mabawasan ang kanilang araw-araw na gastusin.
Isa rin sa mga layunin ng programa ang direktang pagbili ng mga sangkap ng pagkain mula sa mga lokal na magsasaka at mangingisda.
Sa ganitong paraan, hindi lamang mga estudyante ang makikinabang, kundi pati na rin ang mga food producers na makakabenta sa tamang presyo.
Ang panukalang ito ay bahagi ng mas malawak na adbokasiya ni Senator Pangilinan na tiyakin ang food security at tulungang umangat ang kabuhayan ng mga Pilipino.









