Mabilis na inaprubahan sa House Committee on Health ang panukalang gawing libre ang annual medical check- up ng mga Pilipino.
Sa ipinasang substitute bill ng House Bill No. 4093 ay ipasasagot sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang basic annual medical check-up sa mga government hospitals at institutions.
Gagawin ding libre ang pagpapakuha ng blood sugar at cholesterol tests at maaari pang madagdagan ito depende sa financial capability ng ahensya.
Kukunin ang pondo sa total revenue ng PhilHealth.
Ayon naman kay Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor, vice chairman ng komite at pangunahing may akda ng panukala, sang-ayon ang panukala sa nakasaad sa Universal Healthcare Law partikular ang section 5 ng batas.
Nakasaad dito na lahat ng Pilipino ay otomatikong mapapabilang sa National Health Identification Program (NHIP) kaya’t magiging entitled sa libreng check-up sa lahat ng pampublikong ospital.