Libreng COVID-19 test sa mga naghahanap at nagbabalik trabaho, pinaaapura na maaprubahan sa kamara

Pinamamadali sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagpapatibay sa panukala para sa libreng COVID-19 test sa lahat ng mga naghahanap o nagbabalik sa trabaho.

Iginiit ni Iligan City Rep. Frederick Siao sa inihaing House Bill 10340 o “Free COVID-19 testing for all Jobseekers” na napapanahon ang panukala lalo pa’t lumuluwag na ang lockdown restrictions at bumabangon na muli ang mga negosyo at industriyang apektado ng COVID-19 pandemic.

Ang isinusulong na libreng COVID-19 test ay manggagaling sa subsidiya ng gobyerno, at epektibo sa state of national emergency.


Sa kasalukuyan, ang libreng COVID-19 test program ng pamahalaan sa pamamagitan ng PhilHealth ay limitado lamang para sa mga “at risk” na indibidwal o grupo, gaya ng health care workers, senior citizens, mga umuwing Overseas Filipino Workers (OFWs), mga pasyenteng may sintomas ng COVID-19, at may travel history o close contact sa sakit.

Makakatulong aniya ang free COVID-19 testing para mahimok ang mga displaced workers na magbalik trabaho, mawala ang pangamba sa dagdag na gastos para sa testing at matiyak ang kaligtasan at kalusugan ng mga tao sa buong workforce gayundin ang kanilang mga kliyente at mga pamilya.

Facebook Comments