Cauayan City, Isabela- Nagsimula nang mamahagi ng libreng disinfectants ang barangay District 2 katuwang ang Isabela Livelihood Center sa lahat ng mga traysikel drayber sa Lungsod ng Cauayan.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Chairman Mico Delmendo ng Brgy District 2, sinabi nito na dahil nasa ilalim na ng General Community Quarantine o ‘new normal’ ang Lungsod ng Cauayan ay muling nagbabalik sa pamamasada ang mga tsuper sa Lungsod kaya’t kinakailangan aniya na mayroon din pangontra ang mga ito para makaiwas sa virus.
Magtungo lamang sa barangay hall ng District 2 mula alas 9:00 ng umaga hanggang alas 3:00 ng hapon at kinakailangan lamang na magdala ng isang lalagyan at isang beses lamang humingi o mag refill sa loob ng isang araw.
Dapat ay maging tapat lamang ang kukuhang drayber para mabigyan din ang iba pang namamasada.
Samantala, sinabi din ni Kapitan Delmendo na hindi pa natapos ang pamamahagi ng Social Amelioration Program (SAP) ng pamahalaan sa mga benepisyaryo sa kanyang nasasakupan dahil mayroon pa aniyang mga pahabol na dapat mabigyan din ng cash assistance.