LIBRENG EDUKASYON | GSIS, tatanggap ng 400 scholars para handugan ng libreng matrikula at monthly allowance

Manila, Philippines – Aabot sa 400 na scholar ang tatanggapin ng Government Service Insurance System (GSIS) para bigyan ng libreng pangmatrikula at buwanang allowance.

Ayon kay GSIS President Jesus Aranas, tatanggap ng P40,000 kada taon na pambayad sa tuition at miscellaneous fees at buwanang allowance na P3,000 ang bawat scholar na dependent ng kanilang mga miyembro.

Aniya, ang mga aktibo at regular na miyembro ng GSIS na balak mag-apply ay kailangang pasok sa mga sumusunod:


– May permanent employee status;
– Salary grade 24 pababa (may buwanang suweldo na P74,000 pababa);
– Nasa serbisyo ng tatlong taon pataas;
– Nakapaghulog ng premium na kontribusyon ng anim na buwan.

Pasok din ang mga dependent ng mga permanent total disability pensioner na 60 taong gulang pababa.

Dagdag pa ni Aranas, dapat ang dependent ay incoming freshman, mag-aaral ng 4 o 5year course at natanggap sa kolehiyo o pamantasan na accredited ng Commission on Higher Education (CHED).

Giit ng ahensiya, prayoridad nila ang mga aplikanteng mababa ang suweldo.

Kung interesadong mag-apply, puwedeng makipag-ugnayan sa opisina ng GSIS o kaya ay pumunta sa kanilang website na www.gsis.gov.ph/.

Tatanggap ang GSIS ng mga aplikante hanggang June 15.

Facebook Comments