Dahil sa banta ng bagong variant ng COVID-19 mas higit na kailangang mabigyan ng libreng face masks at face shields ang mga mahihirap na mamamayan.
Paalala ni Go sa publiko istriktong sundin ang ipinatutupad na health protocols ng pamahlaaan kabilang ang mandatory na pagsusuot ng face masks at face shields sa mga pampublikong lugar.
Hinikayat din ni Go ang mga otoridad na istriktong ipatupad ang health protocols.
At iginiit na dapat libreng bigyan ng face masks at face shields ang mga mahihirap na maaring walang pambili nito.
Sa pag-aaral ng University of the Philippines-OCTA Research, lumitaw na 61% lang ng mga residente sa Metro Manila ang palagian at regular na nagsusuot ng face shields kapag lumalabas ng bahay.
“Hindi pa tapos ang laban kontra COVID-19. Huwag muna tayo magkumpyansa. Sumunod tayo sa patakaran ng gobyerno dahil ang kapakanan naman ng lahat ang inuuna natin dito,” ayon kay Go.
Sinabi ni Go na upang maka-comply ang mahihirap dapat ay bigyan sila ng libreng face masks at face shields.
Marami aniya ang nawalan ng trabaho dahil sa epekto ng pandemya kaya dagdag pasanin sa kanila ang pagbili ng face mask at face shield.
“Marami po sa ating mga kababayan ang nawalan o nahihirapang maghanapbuhay dahil sa pandemya. Dagdag pasanin pa po sa kanila ang pagbili ng masks at face shields, kaya naman po hinihimok ko ang mga ahensya ng gobyerno na magbigay ng libreng masks at face shields sa mga mahihirap nating kababayan,” dagdag pa ni Go.
Iginiit ni Go ang kahalagahaan na bawat mamamayan ay nakasusunod sa pagsusuot ng face mask at face shields para mabawasan ang tsansa ng paghahawaan.
“Normal po na mag-mutate ang virus kapag naipapasa po ito mula sa isang tao papunta sa iba sa mahabang panahon. Kaya po mahalagang magsuot ng mask at face shield para hindi na ito makahawa at mabawasan ang chances na mag-mutate pa ito,” paliwanag ng senador.
Sa kabila ng pagbaba ng mga naitatalang bagong kaso ng COVID-19 sinabi ng senador na dapat pa ding sumunod sa health protocols at huwag paka-kumpiyansa.
“Huwag tayong magkumpiyansa. Delikado pa po ang panahon ngayon. Kung maaari po, huwag munang lumabas ng bahay dahil delikado pa po. Parating magsuot ng mask at face shield kung sa labas, maghugas ng kamay at mag-social distancing po,” paalala pa ni Go.
Sa pag-iikot ni Go at kaniyang team sa iba’t ibang lugar sa bansa upang mag-abot ng tulong sa mga mahihirap ay nagkakaloob sila ng face masks, face shields, vitamins at iba pang pangunahing pangangailangan.
Kabilang sa mga tumatanggap ng tulong ang mga market vendors, ordinary workers, at ga biktima ng sunog at iba pang kalamidad.
“Talagang mahirap ang panahon ngayon. Marami pang bawal. Konting tiis lang po. Ang pagsunod sa mga patakaran ay simpleng paraan ng pagmamalasakit sa kapwa at pakikisama sa bayanihan efforts,” ayon kay Go.