Cauayan City, Isabela- Hindi tumigil ang pamahalaang panlalawigan ng Isabela sa pagtulong sa mga Isabelinong may problema sa mata sa pangunguna ni Governor Rodito Albano III.
Sa ikalawang quarter ng kasalukuyang taon, muling isinagawa ang “Sagip Mata, Sagip Buhay” na programa ng pamahalaang panlalawigan sa Southern Isabela Medical Center (SIMC) sa Lungsod ng Santiago.
Sa kasalukuyan, umaabot na sa 27 ang nabenepisyuhan sa nasabing programa na kung saan ilan sa mga ito ay nabigyan ng libreng salamin, libreng konsulta sa mata, gamot at libreng operasyon sa mga may katarata at glaucoma sa mata at Age-related Macular Degeneration (AMD).
Inilarga ang unang batch ng “Sagip Mata, Sagip Buhay” program noong ika-27 ng Mayo, 2021 na kung saan nasa labing tatlo (13) ang natulungan samantalang ang ikalawang batch ay isinagawa noong ika-3 ng Hunyo na may labing apat (14) na benepisyaryo.
Ang mga natulungan ay nanggaling sa iba’t-ibang mga bayan at Siyudad sa Lalawigan gaya ng Cordon, Cabagan, San Pablo at Tumauini na walang access sa serbisyo sa mata lalo na sa mga may nakakatanda na may problema sa paningin.