Pinaigting ng City Veterinary Office ng San Carlos City ang pagpapatupad ng libreng anti-rabies vaccination para sa mga alagang aso at pusa bilang bahagi ng kampanya laban sa rabies at sa pag-iwas sa pagkalat ng sakit.
Ayon sa tanggapan, magsasagawa ng roving vaccination ang mga kawani ng City Veterinary Office sa iba’t ibang barangay sa lungsod.
Nakatakdang isagawa ang libreng pagbabakuna sa Barangay Balaya ngayong araw, Enero 20, Barangay Coliling sa Enero 21, at Barangay Tebag sa Enero 22, 2026.
Layunin ng programa na mabawasan ang panganib ng rabies, isang nakamamatay na sakit na maaaring mailipat mula sa hayop patungo sa tao, sa pamamagitan ng regular at sapat na pagbabakuna sa mga alagang hayop.
Hinimok naman ang mga pet owner na ihanda ang kanilang mga aso at pusa at dalhin ang mga ito sa itinakdang petsa ng pagbabakuna, kasabay ng paalala sa kahalagahan ng responsableng pag-aalaga ng hayop para sa kaligtasan ng buong komunidad.







