Isinulong nina Davao City Rep. Paolo Duterte at Benguet Rep. Eric Yap na gawing libre ang paghahatid ng relief goods sa mga lugar na nasa ilalim ng state of calamity.
Nakapaloob ito sa inihain nilang House Bill 4809 o Relief Goods Free Transportation Act na layuning gawing mabilis at sistematiko ang relief operations na magliligtas sa buhay ng mga biktima ng sakuna.
Inaatasan ng panukala ang Logistics Cluster ng Office of Civil Defense katuwang ang Philippine Postal Corporation at lahat ng freight companies, common carriers, private carriers, freight forwarders, at iba pa na huwag maningil sa mga nakarehistrong relief organization na magdadala ng relief goods sa mga lugar na tinamaan ng kalamidad.
Sa ilalim ng panukala ay binibigyang konsiderasyon naman ang ilang auxiliary cost sa pagbiyahe upang hindi malugi ang pribadong sektor na makikibahagi sa pagbiyahe ng tulong at ayuda.