Ideneploy na rin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kanilang mga military vehicle para tulungan ang mga commuter na kinakailangan nang magtrabaho pero walang masakyan ngayong nasa General Community Quarantine (GCQ) ang National Capital Region (NCR).
Ayon kay AFP Spokesperson Brigadier General Edgard Arevalo, ang mga lugar kung saan nila idine-deploy ang kanilang mga military vehicle ay nakadepende sa advise ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Kahapon, may anim na military vehicles na ang ideneploy sa may Batasan at Philcoa area sa Quezon City at nag-abiso pa ang MMDA na mag-deploy pa sila ng 11 military vehicles.
Sinabi pa ni Arevalo, may naka-standby pa silang 48 na mga military vehicle at naghihintay na lamang ng abiso mula sa MMDA kung saan ide-deploy.
Una nang sinabi ni AFP Chief of Staff General Felimon Santos Jr. na patuloy na tutulong ang militar sa commuters para kahit paano’y mabawasan ang kanilang paghihirap ngayong hindi pa fully operational ang public transportation dahil sa COVID-19 pandemic.
Samantala, bukod sa mga commuter, una nang inilaan ng AFP ang kanilang military bus simula noong unang araw ng lockdown para isakay ang medical frontliners na patuloy na tumutulong para pagalingin ang mga infected na ng COVID-19.