Libreng sakay na ikinakasa ng PCG, binuksan na rin sa ibang pasahero

Inilaan na rin ng Philippine Coast Guard (PCG) ang ikinakasang nilang Libreng Sakay Program sa ibang mga pasahero.

Nabatid na maliban sa mga estudyante, binuksan na rin ang PC buses sa mga empleyadong papasok sa kani-kanilang trabaho ngayong araw.

Matapos isakay ang lahat ng estudyanteng naaabutan sa daan, isinasakay na rin ng mga Coast Guard personnel ang ibang pasahero para makabawas kahit papaano sa kanilang pamasahe.


Nagsimula ang libreng sakay ng PCG kaninang alas-6:00 ng umaga at magtatagal ng hanggang alas-9:00 ng umaga kung saan magsisimula muli ito ng alas-4:00 ng hapon hanggang alas-7:00 ng gabi.

Magsisimula ang biyahe ng Coast Guard buses sa Quezon City Hall para magsakay ng mga pasahero papuntang University Belt sa Maynila kung saan iikot din ang mga ito sa Luneta Park bago bumalik sa Quezon City.

Ilan naman sa mga pasahero ay todo pasasalamat dahil kahit papaano ay nakatipid sila sa pamasahe at plano rin nila na abangan ang mga bus ng PCG mamayang hapon kapag tapos na ang oras ng trabaho.

Facebook Comments