Higit dalawang milyon na mga estudyante ang makikinabang sa Libreng Sakay Program ng Light Rail Transit line 2 (LRT-2) na magsisimula sa Agosto 22 hanggang Nobyembrer 5, 2022.
Sa isang pahayag, sinabi ng Department of Transportation (DOTr) na tinatayang nasa 2.2 milyon na mga estudyante ang maseserbisyuhan ng LRT-2 na may biyaheng Antipolo-Recto patungo sa mga lugar kung saan naroon ang 80 mga unibersidad mga kolehiyo at eskwelahan sa Metro Manila.
Batay sa pagtaya, ang weekday average ridership ng LRT-2 bago ang pandemya ay abot sa 90,000-100,000 kada araw.
Kabilang sa mga makakapag-avail ng libreng sakay ay mga mag aaral sa nursery/kindergarten, elementary/primary, high schools, technical- vocational, at mga college students.
Ito’y mula Lunes hanggang Sabado mula alas-5:00 ng umaga hanggang alas-9:30 ng gabi.
Maliban sa mga araw ng Linggo at holidays.
Hindi naman nito sakop ang mga estudyante na kumukuha ng graduate studies.
Para makapag-avail ng libreng sakay, kinakailangang ipakita ng mga estudyante ang kanilang original school ID o original registration sa Passenger Assistance Office para maisyuhan ng free ride ticket.