Umabot na sa 13, 378 mga stranded na pasahero ang nakinabang na sa Libreng-Sakay program ng Philippine National Police (PNP).
Ang mga ito ay nasa lugar sa National Capital Region Plus o NCR Plus na nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) mula March 29.
Ayon kay PNP Chief Police General Debold Sinas, sa ngayon nanatili ang kanilang heavy lift transport vehicles na 2 bus, 5 utility trucks at 2 coasters sa lansangan para magsagawa ng regular roundtrips sa mga designated pick-up at drop-off points.
Bukod sa libreng sakay, nagbibigay din ang PNP sa mga pasahero ng libreng face mask at bottled water.
May pitong ruta ang PNP Libreng-Sakay ng PNP.
Ito ay ang sa EDSA-Crame hanggang Meycauayan, Bulacan at San Jose del Monte City sa North.
At Zapote, Bacoor, Cavite sa South at Rodriguez, Rizal, Antipolo City at Taytay, Rizal sa East.
Siniguro naman ng PNP na nasusunod ang 50% seating capacity ng DOTR sa mga public transport.