Libreng sakay para sa mga estudyante, sa LRT-2 na lamang ipatutupad – DOTr

Inihayag ng Department of Transportation (DOTr) na tanging ang Light Rail Transit-Line 2 (LRT-2) na lamang ang mag-aalok ng “Libreng Sakay” sa mga estudyante simula Agosto 22 hanggang Nobyembre 4.

Ayon kay DOTr Usec. for Rails Cesar Chavez, inatasan sila ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa cabinet meeting na i-recalibrate ang naunang programa na libreng sakay sa MRT, PNR, at LRT-2 para sa mga mag-aaral at tumutok na lang sa LRT-2.

Mas maraming mga estudyante ang sumasakay sa LRT-2 kumpara sa dalawang railways.


Nabatid na nasa 4,500 na estudyante ang sumasakay sa LRT-2 kada araw bago pa tumama ang pandemya sa bansa habang pinagsamang 3,000 lamang sa MRT-3 at PNR.

Samantala, nauna nang sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ititigil na nito ang Libreng Sakay program para sa ilang ruta dahil sa kakulangan ng pondo.

Sinabi ng ahensya na humigit-kumulang P1.4 bilyon ang kailangan para maipagpatuloy ang libreng sakay para sa mga Filipino commuters.

Facebook Comments