Libreng sakay para sa mga na-stranded na frontliners, nagpapatuloy sa Pasig City

Tiniyak ng pamunuan ng Pasig City Government na makakapasok ang lahat ng mga frontliner matapos na magpalabas ng mga sasakyan para sa libreng sakay sa lahat ng mga na-stranded na frontliners na papasok sa kani-kanilang trabaho.

Ayon kay Pasig City Mayor Vico Sotto, naglaan ang Local Government Unit (LGU) ng mga libreng sakay sa lahat ng frontliners na na-stranded at matindi ang nararanasang trapiko ng mga motoristang dumaraan sa Ortigas Avenue Extension, dahil mahigpit na sinasala sa unang araw na magbabalik operasyon ang karamihan ng establisyemento sa ilalim ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).

Kapansin-pansin sa checkpoint sa Ortigas Avenue Extension na nagdudugtong sa Pasig at Cainta, Rizal, naipon na ang mga sasakyan kung saan mistulang walang pinagkaiba ang sitwasyon nito noong unang ipinatupad ang community quarantine sa National Capital Region (NCR) kung saan maraming naipit sa checkpoint.


Maliban kasi sa mga pribadong sasakyan, dumagsa rin ang mga naka-motorsiklo kung saan ay nagkakaagawan pa ng linya dahil sa sobrang dami nila at nag-uunahan papasok sa kani-kanilang trabaho at kapansin-pansin din na marami rin ang mga nagbibisikleta at naglalakad sa naturang lugar.

Facebook Comments