Good news para sa mga commuters!
Inanunsyo ng Department of Transportation (DOTr) na magiging 24/7 ang libreng sakay sa EDSA Bus Carousel sa Disyembre.
Ayon kay DOTr Secretary Jaime Bautista, magsisimula ang nasabing libreng sakay sa December 15 hanggang December 31, 2022.
Paliwanag ni Bautista, ito ay upang makapaghatid ng tulong sa mas marami pa nating kababayang commuter na patuloy na naapektuhan ng pagtaas ng mga bilihin at krudo.
Sa ngayon kasi ang libreng sakay sa EDSA Bus Carousel ay mula lamang alas-kuwatro ng madaling araw hanggang alas-onse ng gabi.
Gayunpaman, kinumpirma rin ni Bautista na magtatagal lamang hanggang sa katapusan ng taon ang 1.4 billion pesos na pondo para sa libreng sakay.
Ito ay dahil hindi nakasama sa National Expenditure Program (NEP) ang libreng sakay program para sa taong 2023 na isinumite ng Department of Budget and Management (DBM) sa Kongreso.