Ex-Army, Arestado sa Umano’y Pangmomolestiya

Dinakip ang isang dating sundalo matapos umanong maaktuhan na nangmomolestiya ng isang Grade 9 student sa Brgy. Gucab, Echague, Isabela.

Kulong ang suspek na itinago sa pangalang “Donato”, 76 taong gulang, may-asawa, at residente ng Brgy. Gucab, Echague, Isabela habang ang biktima nito ay isang 14-anyos mula Brgy. Silauan Norte ng nasabing bayan.

Sa imbestigasyon ng Echague Police Station, nakatanggap ng tawag ang nasabing himpilan ng pulisya mula sa Punong Barangay kung saan naaktuhan umano ng kanyang Tanod ang suspek na hinahawakan nito ang pribadong parte ng biktima.

Umiiyak umano ang biktima habang minomolestiya ito ng suspek sa ilalim ng puno ng mangga na nasa kalagitnaan ng maisan.

Nasa kustodiya na ng himpilan ng pulisya ang suspek na mahaharap sa kasong Alleged Rape by Sexual Assault in Relation to RA 11648.

Ipinasakamay naman sa MSWDO ang biktima para sumailalim sa medico legal examination sa Municipal Health Office ng Brgy. San Fabian, Echague, Isabela.

Facebook Comments