Pinag-aaralan ngayon ng Department of Transportation (DOTr) ang posibilidad na magbigay rin ng libreng sakay sa ilan pang mga ruta ng bus.
Ayon kay DOTr Undersecretary Cesar Chavez, kinakailangan pang dumaan sa pag-apruba ng Kongreso ang pondo na gagamitin sakaling palawigin ang libreng sakay program sa iba pang bus routes.
Sa ngayon kasi, sapat lamang ang pondong inaprubahan sa ilalim ng administrasyong Duterte sa mga pinaiiral na libreng sakay sa kasalukuyan.
Kaugnay niyan, magkakaroon aniya ng pulong si DOTr Secretary Jaime Bautista sa mga pinuno ng ibang ahensya para talayin ang usapin.
Noong nakaraang linggo nang aprubahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang extension ng libreng sakay sa EDSA Bus Carousel hanggang sa December 2022 na dapat ay magtatapos na July 30.
Bukod dito, magiging libre ulit ang sakay ng mga estudyante sa MRT-3, LRT-2 at PNR kapag nagsimula na ang face-to-face classes sa Agosto.