LIBRENG TULI, GUPIT, ISINAGAWA NG ROTARACT CLUB OF TUGUEGARAO CITADEL AT 1ST CAGAYAN PMFC

May kabuuang 45 lalaking mag-aaral mula sa tatlong barangay sa Tuguegarao City kabilang ang tatlong iba pa mula sa bayan ng Peñablanca, Cagayan ang nabenepisyuhan sa isinagawang ProyekTULI kamakailan ng Rotaract Club ng Tuguegarao Citadel katuwang ang 1st Cagayan Provincial Mobile Force Company at iba pang organisasyon.

Ang mga benepisyaryo ay mga mag-aaral ng Balzain East Elementary School na kinabibilangan ng apat mula sa Barangay Tanza, tatlo mula sa Balzain West, at 35 mula sa Balzain East, lahat sa Tuguegarao City.

Matatandaang matagumpay na nailunsad ang ‘ProyekTULI’ sa bayan ng Enrile, Cagayan noong Disyembre 2021 na may layuning mailapit ang libreng proyekto ng pagtutuli sa mga komunidad.

Sinabi ni Pangulong Jerick Bañares na ang iba pang partner na organisasyon ay ang 1st Cagayan Provincial Mobile Force Company, (1st CPFMC) na pinamumunuan ni Lt. Col Lord Wilson Adorio, Office of the City Vice Mayor Bienvenido de Guzman, Office of the City Councilor Tirso Mangada, Cagayan State University – College of Medicine, Powergym, Sierra Falcones Cagayan Valley, Sangguniang Kabataan ng Balzain East sa pamumuno ni SK Chairperson Nico Bueno at ng Barangay Local Government Units ng Balzain East, Balzain West at Tanza.

Bukod sa handog na libreng tuli, nagbigay din ang club ng mga gamot para sa pain relief at antibiotics sa mga natuli.

Samantala, nagsagawa rin ng libreng gupit ang tropa ng 1st CPMFC at nakiisa rin sila sa Brigada Eskwela ng nasabing paaralan.

Facebook Comments