Muling inihain ngayong 19th Congress ang free legal assistance para sa mga “military and uniformed personnel” o MUP.
Sa House Bill No. 8 ni Leyte Rep. Martin Romualdez, pinabibigyan ng libreng tulong legal ang mga MUP na may nakabinbing kaso sa korte na may kinalaman sa kanilang mga trabaho.
Sakop ng mabebenepisyuhan ng panukala ang mga uniformed personnel ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at Philippine Coast Guard (PCG).
Saklaw naman ng free legal assistance ang criminal, civil o administrative proceedings mula sa service-related incidents o mga kaso na nangyari habang nakaduty ang isang uniformed personnel.
Giit ni Romualdez, kung ikukumpara sa sakripisyo at serbisyo ng mga uniformed personnel sa pagganap ng kanilang tungkulin ay maliit lamang na tulong ito na maibibigay ng gobyerno.