Samahan ng mga magsasaka, nagkaisa sa panawagan na magdeklara na ng state of emergency on food crisis si Pangulong Marcos Jr.

326

Nagkaisa ang iba’t ibang samahan ng mga magsasaka na manawagan na magdeklara na ng state of emergency on food crisis si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ito’y may kaugnayan sa kakulangan ng suplay ng pagkain at pagtaas ng mga pangunahin bilihin tulad ng manok, itlog, baboy at pandesal.

Ayon kay Agricultural Sector Alliance of the Philippines (AGAP) Party-list Representative Nicanor Briones sa pagdalo nito sa isang forum sa Maynila, malaki ang magagawa ni Pangulong Marcos bilang kalihim ng Department of Agriculture (DA) kung saan doblehin sana nito ang budget upang buhayin muli ang mga nagsarang mag-aalaga ng baboy at manok.


Isa rin itong paraan para matulungan ang mga magsasakang tinamaan ng pesteng African Swine Fever (ASF) at avian flu sa pamamagitan ng pagbabayad ng P10,000 bawat isang mamamatay na baboy at magagawa ito ng mabilisan kung may state of emergency.

Sinabi pa ni Briones, malaki na rin ang nalulugi sa mga nag-aalaga ng manok at itlog dahil sa pagtaas ng ini-import na pagkain ng kanilang alaga dahilan para magsara ang ibang mga negosyante.

Aniya, nakakabahala rin ang kakulangan ng suplay ng manok sa mga kilalang food chain dahil walang suplay mula sa local producers dahil sa kulang sa sukat ang mga kinakatay na manok dulot ng alternatibong pagkain.



Sa ngayon, bagama’t tumaas ang presyo ng manok sa merkado dahil sa presyo ng produktong petrolyo ay mayroon pa namang sapat na suplay ng imported na manok na pawang mga nasa cold storage.

Tatlong pangunahing kahilingan naman ang nais na iparating ni Briones kay Pangulong BBM, ito ay ang mabilisang karagdagang pondo, paglalagay ng first border inspection at pagtatayo ng mga cold storage facilities.


Facebook Comments