*Cauayan City, Isabela- *Mamimigay ng libreng vegetable seedlings ang City Agriculture Office sa lahat ng mga Cauayenos na mayroong sapat na taniman dito sa Lungsod ng Cauayan.
Ito ang ibinahaging impormasyon ni City Agriculturist Rufino Arcega ng City Agriculture Office na mamamahagi umano sila ng libreng pananim na gulay sa mga kwalipikadong residente ng naturang Lungsod bilang bahagi ng kanilang programang Buyback.
Aniya, titingnan umano ng mga City Agriculture Technicians ang mga pwedeng mabigyan ng libreng seedlings kung mayroon itong sapat na taniman sa kanyang bakuran at kung naani na ang itinanim na seedlings ay bibilhin na ito ng City Agriculture Office bilang consolidator na ibebenta naman sa mga suking nagtitinda ng gulay.
Layunin umano ng nasabing programa na matulungan at mabigyan ng karagdagang kita ang mga Cauayenos.
Samantala, Nanawagan naman ang City Agriculturist Office sa lahat ng mga magsasaka lalo na sa mga nahuling napadaanan ng patubig na magtungo lamang umano sa kanilang tanggapan upang mabigyan ng libreng binhi ng palay at mapakinabangan na rin ang Crop Insurance na kanilang iniaalok.