Libro ng mga Komunistang Grupo, Inalis na sa Library ng Isabela State University

Cauayan City, Isabela-Kusang inalis ni Isabela State University President Dr. Ricmar P. Aquino ang nasa dalawampu’t tatlong (23) National Democratic Front of the Philippines (NDFP) handbooks sa university library sa Echague, Isabela kahapon, Setyembre 20, 2021.

Kasunod ito ng ginawang pagtatanggal ng mga libro ng Kalinga State University kung saan inatasan naman ni Aquino ang lahat ng ISU campus na alisin na rin ang mga kahalintulad na libro sa kanilang mga library.

Kaagad namang ipinasakamay ang mga communist terrorist books kay National Intelligence Coordinating Agency Regional Director Dennis Gammad na siya ring cluster head ng Situational Awareness and Knowledge Management Cluster of the Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict.


Ayon kay Dr. Aquino, buo ang suporta ng ISU sa programa ng gobyerno na “whole of nation approach”.

Mandato aniya ng unibersidad na protektahan ang mga kabataan para masiguro ang kanilang hinaharap sa pamamagitan ng pagbibigay ng quality and relevant education.

Inihayag naman ni Col. Leandro V Abeleda, 502nd Deputy Brigade Commander na ang pag-aalis ng naturang mga libro sa unibersidad ay pagpapakita lamang na maililigtas ang mga kabataan sa panghihikayat ng mga miyembro ng CPP-NPA-NDF.

Samantala, nagpasalamat naman si RD Gammad sa ISU dahil sa kanilan ginawang hakbang na pag-alis ng mga libro sa kanilang library.

Tanda ng patuloy na paghahatid ng serbisyo ang ginawang turn-over ng mga libro upang maiwasan ang panghihikayat ng mga komunistang grupo.

Facebook Comments