Nagbabala si House Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda sa mga pribadong ospital na nagbabalak lumahok sa 5-day PhilHealth holiday.
Mula Enero 1 hanggang 5 ay hinihimok ng Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPI) ang mga miyembro nito na huwag munang tumanggap ng claims ng PhilHealth bilang suporta sa mga ospital na nagpahayag ng pagkralas sa state health insurer bunsod ng pagkakautang o hindi nabayarang claims.
Paalala ni Salceda, binigyan ang mga pribadong ospital ng malaking tax break sa ilalim ng CREATE o Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Law.
Banta ng kongresista, maaari niyang ipasilip ang libro ng mga ospital para tingnan kung saan napunta ang tax subsidy.
Bagama’t sang-ayon na kailangan ng agarang reporma sa PhilHealth, iginiit ng kongresista na hindi solusyon ang PhilHealth holiday sa mga problema.
Bukod sa hindi mapipigilan ang pagkakasakit ng mga tao, hindi naman PhilHealth kundi ang mga mahihirap ang magdurusa rito.
Kinukwestyon pa ng mambabatas kung akma sa sinumpaang tungkulin ng mga doktor ang kanilang gagawin.